"Overdue" na 'tong post na 'to. Ngunit sa kadahilanang may magandang pabaon ang Baguio, 'di ko magawang maituloy ang planong isulat ito nang ako'y makababa mula sa malamig na bundok.
Maski ang planong libutin muli ang Baguio ay hindi naisakatuparan. Iyon sana ang huling pagkakataong mamasyal sa siyudad bilang hindi-bakasyonista. Ngunit salamat sa ilang mga pangyayari at nasilayan ko rin ang isang napakagandang pasyalan - ang emergency room sa Baguio General Hospital. Salamat at naipamalas ko ang aking kakayahang umagaw ng eksena. Marahil ay talo ko pa si nora at si vilma. Ito ang unang pabaon ng baguio: famas award, este "arm sling" mula sa ospital.
Buti na lamang at hindi pala nakamamatay ang mawala sa tamang pwesto ang buto sa katawan. At masarap ding pakinggan - "acute anterior shoulder dislocation." Animo'y eksena sa pelikula kung saan matapos malagyan ng benda ay halos astang prinsesa ka na - may mga alalay na siyang babantayan ang iyong mga galaw upang siguraduhing ika'y nasa maayos na kalagayan. Manipestasyon ng ikalawang pabaon ng baguio: halos tatlong linggong limitadong paggalaw, sanhi sa pagka-"overdue" ng post na ito at sa mataas na posibilidad na muling ma-dislocate ang buto - indikasyon ng halos nalilimitahang galaw ng kanang braso habambuhay.
Marahil ay tama ngang inisip ko na mayroon pang pabaon ang Baguio bukod sa karanasang magtrabaho, mapalayo sa pamilya at mabuhay mag-isa, sa kaalaman sa industriya ng direct-selling maging sa pagpapadami ng pera, sa tunay na pagkaunawa sa konsepto ng "estrangement" at/o "alienation" ni Karl Marx, at sa pagkamulat sa katotohanang hindi kayang pantayan ng anumang materyal na bagay ang mga di-pisikal at transendental na pangangailangan ng katauhan.
Marahil ay magandang eksena nga ang pagkadulas sa CR habang naliligo, na siyang magiging sanhi sa pagkawala sa tamang pwesto ng buto sa katawan. Magandang pabaon ang famas award at animo'y mala-prinsesang eksena sa pelikula. Dahil sa mga ito'y tumalima sa isip na pwede pala akong maging artista - umiiyak, nagdadrama, tumatawa, nasasaktan, nasusugatan at na-o-ospital sa mga eksena. Namulat tuloy ako sa katotohanang hindi pala ako anak ni Superman, na ako ay tao din pala - umiiyak, nagdadrama, tumatawa, nasasaktan, nasusugatan at na-o-ospital.
Tama, ako ay tao din pala. Magandang pagkakamulat dulot ng mga pabaon ng Baguio.
1 comment:
Wahaha. I like your template. Anyway, asteeg ang posts, maniniwala kang existentialist ang author, o kaya baka may identity crisis lang.. Hehe. Still, yeah. Wala lang. Let's keep on rocking.
Post a Comment